Sa panahon ng kanilang paglahok sa Ika-9 na China-ASEAN Education Cooperation Week na idinaraos ngayon sa Guiyang, Tsina, ipinahayag ng mga kinatawan ang pag-asang ibayo pang palalakasin ng Tsina at Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ang pagpapalitan at pagtutulungan sa edukasyon.
Sinabi ni Pangalawang Punong Ministro Prajin Juntong ng Thailand, na umaasa ang mga bansang ASEAN na kinabibilangan ng Thailand, na magkakaroon ng mas mabuting edukasyon ang kani-kanilang mga mamamayan. Ito aniya ay puwedeng maging priyoridad ng kooperasyon ng ASEAN at Tsina.
Iminungkahi naman ni Pangalawang Punong Ministro Sok An ng Kambodya, na palakasin ng ASEAN at Tsina ang pagpapalitan at pagtutulungan sa pagitan ng mga ahensiyang pang-edukasyon, instituto ng pananaliksik, at think tank. Kailangan din aniyang isagawa ng dalawang panig ang magkakasanib na siyentipikong pananaliksik.
Sinabi naman ni Puan Maharani, Ministrong Koordinador sa Kaunlaran at Kultura ng Sangkatauhan ng Indonesya, na ang kooperasyon ng mga bansang ASEAN at Tsina sa edukasyon ay makakatulong sa pagkakaroon ng breakthrough sa siyensiya at teknolohiya, para sa mas magandang mundo.
Salin: Liu Kai