NAGKAISA ang Board of Governors ng Asian Development Bank na mahalal na muli si Takehiko Nakao bilang pangulo ng bangko sa susunod na limang taong magsisimula sa ika-24 ng Nobyembre.
Unang nahalal na pangulo ng bangko si G. Nakao noong ika-28 ng Abril 2013 upang maglingkod ng tatlo't kalahating taon sa nalalabing panahon ng kanyang hinalinhang si Haruhiko Kuroda. Si G. Nakao ang ika-siyam ng pangulo ng ADB. Siya lamang ang nag-iisang kandidato matapos anyayahan ang mga miyembro ng Board of Governors ng ADB na maghalal ng kanilang mga kandidato o maglunsad ng kanilang kandidatura sa panguluhan.
Nagpasalamat si G. Nakao sa tiwala ng kanyang mga kasama sa Asian Development Bank. Naglingkod siya sa Ministry of Finance ng Japan at nakabatid ng mga mahahalagang bagay sa larangan ng international finance and development. Nagturo din siya ng international finance bilang visiting professor sa University of Tokyo mula 2010 hanggang 2011. Isinilang noong 1956, si G. Nakao ay may B. A. sa Economics mula sa University of Tokyo at MBA sa University of California at Berkeley.