Sa kanyang talumpati sa pambansang asamblea hinggil sa malubhang teroristikong pagsalakay sa isang ospital sa Quetta, sinabi Miyerkules, ika-10 ng Agosto, 2016, ni Punong Ministro Nawaz Sharif ng Pakistan na pag-iibayuhin ng pamahalaan ang paglaban sa terorismo. Nanawagan siyang magbuklod ang buong bansa, para malipol ang mga natitirang terorista sa loob ng bansa.
Ipinaalam naman ni Chaudhry Nisar Ali Khan, Ministro ng Mga Suliraning Panloob ng Pakistan, ang proseso ng imbestigasyon sa nasabing insidente. Aniya, nasakamay na nila ang ilang ebidensya, at nananalig siyang mahahanap ang may-kagagawan sa lalong madaling panahon.
Lunes ng umaga, ika-8 ng Agosto, naganap ang suicide bombing attack sa isang ospital sa Quetta, Lalawigang Baluchestan sa dakong timog-kanluran ng Pakistan. Di-kukulangin sa 70 katao ang nasawi, at 112 iba pa ang nasugatan. Kapuwa umamin ang Islamic States at Tehrik-e-Taliban na sila ang may kagagawan ng nasabing insidente.
Salin: Vera