Ayon sa Xinhua News Agency, ipinatalastas Lunes, Agosto 15, 2016, ni tagapagsalita Lu Kang ng Ministring Panlabas ng Tsina, na sa paanyaya ni Premyer Li Keqiang ng Tsina, isasagawa ni Aung San Su Kyi, State Counselor ng Myanmar, ang opisyal na pagdalaw sa Tsina mula ika-17 hanggang ika-21 ng kasalukuyang buwan.
Kaugnay nito, sinabi ni Lu na sa panahon ng gagawing pagdalaw ni Aung San Su Kyi, makikipagtagpo o makikipag-usap sa kanya ang mga lider ng Tsina. Magpapalitan aniya ng kuru-kuro ang dalawang panig tungkol sa relasyon ng dalawang bansa at mga isyung kapwa nila pinahahalagahan. Bukod dito, bibisita rin siya sa mga ibang lunsod ng Tsina.
Sinabi rin ng tagapagsalitang Tsino na sa kasalukuyan, mainam ang pag-unlad ng relasyon ng Tsina at Myanmar. Sapul nang maitatag ang bagong pamahalaan ng Myanmar, ito aniya ang kauna-unahang pagdalaw ng lider nito sa Tsina. Ani Lu, may mahalagang katuturan ang nasabing gagawing pagdalaw para mapasulong ang komprehensibo at estratehikong partnership ng dalawang bansa. Nananalig siyang pag-iibayuhin ng pagdalaw ang estratehikong pagkokoordinahan, palalalimin ang pragmatikong kooperasyon, pasusulungin ang pagkakaibigang di-pampamahalaan, at bibigyan ng mas maraming benepisyo ang mga mamamayan ng dalawang bansa.
Salin: Li Feng