Si Wang Yi, Ministrong Panlabas ng Tsina
Idaraos bukas, ika-24 ng Agosto 2016, sa Tokyo, Hapon, ang pulong ng mga ministrong panlabas ng Tsina, Hapon at Timog Korea. Lalahok sa pulong si Ministrong Panlabas Wang Yi ng Tsina. Babalik-tanawin niya, kasama ng kanyang mga counterpart na Hapones at T.Koreano, ang mga natamong progreso ng kooperasyon ng tatlong bansa, at magpapalitan din sila ng palagay hinggil sa direksyon ng pag-unlad ng kooperasyong ito sa hinaharap.
Kaugnay ng pulong na ito, ipinahayag ni Wang Yizhou, Pangalawang Dean ng School of International Studies ng Peking University ng Tsina, na mabunga ang kooperasyong pangkabuhayan at pangkalakalan ng tatlong bansa, sapul nang idaos ang pulong ng kanilang mga lider noong Setyembre ng nagdaang taon. Pero aniya, umiiral din ang pagkakaiba sa pagitan ng tatlong bansa sa aspekto ng pulitika, na gaya ng hidwaan ng Tsina at Hapon sa teritoryo ng Diaoyu Islands, at kontradiksyon ng Tsina at T.Korea na dulot ng pagdedeploy ng Terminal High Altitude Area Defense system. Ipinalalagay ni Wang, na sa ilalim ng kalagayang ito, ang tungkulin ng naturang pulong ay pagkontrol sa mga pagkakaiba, para isakatuparan ang komong interes ng tatlong bansa.
Salin: Liu Kai