|
||||||||
|
||
Ayon sa pahayag Linggo, Agosto 28, 2016, ng Ministri ng Kalusugan ng Singapore, 41 katao ang kumpirmadong nahawahan ng Zika virus at 34 sa mga ito ay gumaling na. Ang 7 iba pa ay ginagamot pa rin sa Tan Tock Seng Hospital.
Ayon din sa pahayag, ang lahat ng mga maysakit ay nanunuluyan o nagtatrabaho sa sub-urban Aljunied Area at Sims Avenue at 36 sa kanila ay trabahador na dayuhan na nagtatrabaho sa isang construction site. Anito pa, wala sa mga maysakit ang nakapunta sa ibang bansa o rehiyon na apektado ng Zika virus.
Nitong nagdaang Mayo, ipinatalastas ng Singapore ang unang kaso ng Zika virus at ang maysakit ay isang 48 taong gulang na lalaki na umuwi mula sa Brazil.
Ang Zika virus ay nakukuha ng tao sa pamamagitan ng kagat ng Aedes species mosquito, lamok na nagpapalaganap din ng chikungunya at dengue.
Kabilang sa mga sintomas ng Zika infection ay lagnat, pamamantal, pananakit ng kasukasuan at namumulang mata. Pero, kadalasan hindi ito nangangailangan ng pagkaospital, at mababa rin ang insidente ng kamatayan.
Ngunit, ito'y lubhang mapanganib para sa mga nagdadalang tao dahil naaapektuhan nito ang sanggol sa sinapupunan.
Salin/Edit: Jade
Pulido: Mac
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |