|
||||||||
|
||
Binuksan Linggo, Setyembre 4, 2016, ang dalawang-araw na 2016 G20 Summit sa Hangzhou, siyudad sa dakong silangan ng Tsina. Ang tema nito ay "Patungo sa Inobatibo, Masigla, Interkonektado at Inklusibong Kabuhayang Pandaigdig."
Bilang punong-abala ng 2016 G20 Summit, sa kauna-unahang pagkakataon, iniharap ng Tsina ang green finance sa agenda.
Ang green finance ay tumutukoy sa pagsasaalang-alang sa pangangalaga sa kapaligiran sa proseso ng pangongolekta ng pondo at pamumuhunan. Magpapasulong ito sa pananaliksik at pagdedebelop ng mga teknolohiyang makakatulong sa pagtitipid sa likas na yaman at pangangalaga sa kapaligiran. Sa gayon, mahihikayat ang mga bahay-kalakal na pahalagahan ang kapaligiran. Makakatulong din ito sa pagkakaroon ng ideya ng green consumption.
Ang konseptong green finance ay masasabing karanasan at aral ng Tsina nitong mahigit 30 taong nakalipas sapul nang isagawa nito ang reporma't pagbubukas noong 1978.
Upang mapalaganap ang green finance sa buong daigdig, wala pang tatlong buwan sapul nang manungkulan ang Tsina bilang punong-abala ng 2016 G20 Summit, binuo ng People's Bank of China, bangko sentral ng bansa, kasama ng Bank of England, bangko sentral ng United Kingdom ang Green Finance Study Group, noong ika-25 ng Enero, 2016. Ang United Nations Environment Programme (UNEP) ay nagsisilbi bilang secretariat.
Salin: Jade
Pulido: Rhio
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |