Idinaos ngayong araw, Miyerkules, ika-7 ng Setyembre 2016, sa Vientiane, Laos, ang Ika-19 na Summit ng Tsina at Association of Southeast Asian Nations (ASEAN). Tinalakay ng mga kalahok na lider ng Tsina at mga bansang ASEAN ang hinggil sa kooperasyong Sino-ASEAN, pagpapanatili ng kapayapaan at katatagan ng rehiyon, at iba pang isyu.
Sa kanyang talumpati sa pulong, nilagom ni Premyer Li Keqiang ng Tsina ang mahigpit na relasyon at kooperasyon ng Tsina at ASEAN. Aniya, ang Tsina ay unang bansang lumahok sa Treaty of Amity and Cooperation in Southeast Asia, nagpahayag ng pagkatig sa namumunong posisyon ng ASEAN sa kooperasyong panrehiyon, nagtatag ng estratehikong partnership sa ASEAN, nagpahayag ng kahandaang lagdaan ang Kasunduan sa Sonang Walang Sandatang Nuklear sa Timog-silangang Asya, at nagsagawa ng pakikipagtalastasan sa ASEAN hinggil sa malayang sonang pangkalakalan.
Sinabi rin niyang, nitong 25 taong nakalipas sapul nang itatag ng Tsina at ASEAN ang relasyong pandiyalogo, malaki ang pag-unlad ng relasyon ng dalawang panig, batay sa pagkakaunawaan, pagtitiwalaan, at pagkatig sa isa't isa. Pinasusulong din aniya ng dalawang panig ang kapayapaan, katatagan, kasaganaan, at kaunlaran sa rehiyong ito. Dagdag pa niya, sa pamamagitan ng 25 taong pag-unlad, pumapasok ngayon sa "period of maturity" ang relasyong Sino-ASEAN.