Tinatanggap ni Liu Zhenmin ang panayam ng mga mamamahayag.
Sa Vientiane, Laos — Idinaos Huwebes, Setyembre 8, 2016, ang Ika-11 East Asia Summit (EAS). Sa panayam pagkatapos ng summit, sinabi ni Pangalawang Ministrong Panlabas Liu Zhenmin ng Tsina, na kung talagang nais magkakasamang pangalagaan ang kapayapaan at kaligtasan sa rehiyong Silangang Asyano, dapat palakasin ang pagtutulungan at itatag ang pagtitiwalaan.
Ani Liu, kinakatigan ng lahat ng kalahok na lider sa summit ang pagpapatingkad ng mahalagang papel ng EAS sa pagpapasulong ng kooperasyong Silangang Asyano, at pagpapalakas ng seguridad sa rehiyong ito. Binanggit aniya ng maraming lider ang seguridad sa dagat na kinabibilangan ng isyu ng South China Sea. Sinabi niya na pagkaraan ng pagsasaalang-alang, muling nabatid ng mga bansang Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) na ang nasabing isyu ay dapat lutasin ng mga bansa sa rehiyong ito sa pamamagitan ng diyalogo at pagsasanggunian. Ang panghihimasok dito ng mga bansa sa labas ng rehiyon, ay hindi makakatulong sa paglutas ng nasabing isyu, kundi makakapagpalawak lamang ng pagkakaiba, dagdag pa niya.
Isiniwalat din ni Liu na sa loob ng unang hati ng susunod na taon, matatapos ang balangkas ng panukala sa "Code of Conduct (COC) sa South China Sea." Pagkatapos nito'y papasok ang nasabing usapin sa yugto ng substansyal na pagsasanggunian at pagtalakay, dagdag pa niya.
Salin: Li Feng