|
||||||||
|
||
Mula "period of growth" tungo sa "period of maturity"
Ipinahayag ni kalahok na Premyer Li Keqiang ng Tsina na kung ilalarawan ang nakaraang 25 taon ay panahon ng paglaki o "period of growth" para sa relasyong ASEAN-China, ang susunod na 25 taon ay panahon ng maturidad o "period of maturity."
Si Premyer Li Keqiang ng Tsina sa Ika-19 na Summit ng ASEAN at Tsina bilang pagdiriwang sa ika-25 anibersaryo ng pagkakatatag ng relasyong pandiyalogo ng dalawang panig, sa Vientiane, Laos, Sept. 7, 2016. (Xinhua/Rao Aimin)
Mga unang ugnayang ASEAN-Tsina
Sa kanyang balik-tanaw sa relasyong Sino-ASEAN, sinabi ni Premyer Li na ang Tsina ang unang bansang lumagda sa Treaty of Amity and Cooperation in Southeast Asia at unang bansang naging estratehikong partner ng ASEAN. Kasabay nito, ang Tsina ay unang bansa rin na nagpahayag ng suporta sa Protocol of the Treaty of Southeast Asia Nuclear Weapon Free Zone at ito rin ang unang bansa na nagsimula ng pakikipagtalakayan sa ASEAN hinggil sa free trade agreement.
Limang proposal para sa hinaharap na pagtutulungan
Para ibayo pang pasulungin ang relasyong Sino-ASEAN, iniharap ng premyer Tsino ang limang mungkahi.
Una, pahigpitin ang koordinasyon at integrasyon ng mga estratehiyang pangkaunlaran ng dalawang panig at palalimin ang pagtutulungan sa iba't ibang larangan sa ilalim ng "2+7 Cooperation Framework" at Ikatlong Plano ng Aksyon para sa Estratehikong Partnership ng Tsina at ASEAN.
Ikalawa, itatag ang bagong plataporma ng pagtutulungang pampulitika at panseguridad. Para rito, nakahanda ang Tsina na makipagtalakayan sa ASEAN para marating ang Kasunduan sa Pagkakaibigan at Pagtutulungan ng Mabuting Magkakapitbansa, bilang proteksyong pambatas para sa pangmatagalang pagkakaibigan ng dalawang bansa. Suportado rin ng Tsina ang pagsisikap ng ASEAN para itatag ang nuclear weapon-free zone sa Timog-silangang Asya. Pasusulungin ang regular na di-opisyal na pulong sa pagitan ng mga ministro ng tanggulang-bansa. Pasusulungin ang substansyal na progreso sa mekanismo ng diyalogong ministerial sa pagpapatupad sa batas ng dalawang panig.
Ikatlo, upang ibayo pang mapasulong at mapaginhawa ang malayang kalakalan at pamumuhunan, kailangang magkasamang pasulungin ng Tsina at ASEAN ang pagpapatupad sa Belt and Road Initiative at interkonektibidad.
Ikaapat, pasulungin ang pagpapalitang pangkultura at people-to-people exchanges bilang ika-3 haligi ng kooperasyong Sino-ASEAN kung saan ang pagtutulungang pang-edukasyon at panturismo ang dalawang priyoridad.
Ikalima, magkasamang lumikha ng bagong kabanata ng pagtutulungang panrehiyon. Para rito, inihayag ni Premyer Li na inilunsad na ng Tsina ang espesyal na pondo para sa pagtutulungang Lancang-Mekong na may kinalaman sa mga bansa sa kahabaan ng nasabing ilog na kinabibilangan ng Tsina, Laos, Thailand, Vietnam at Myanmar.
Salin: Jade
Pulido: Mac
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |