Idinaos kahapon, Martes, ika-20 ng Setyembre 2016, sa Dunhuang, lunsod sa hilagang kanlurang Tsina, ang kauna-unahang Silk Road International Cultural Expo.
Sa kanyang mensaheng pambati, ipinahayag ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina ang pag-asang ang ekspong ito ay magiging mahalagang plataporma ng pagpapalitan at pagtutulungang pangkultura ng iba't ibang bansa sa kahabaan ng Silk Road Economic Belt at 21st Century Maritime Silk Road o "Belt and Road."
Sa kanya namang talumpati sa seremonya ng pagbubukas ng ekspo, iminungkahi ni Pangalawang Premyer Liu Yandong ng Tsina ang hinggil sa pagbuo ng bagong mekanismo ng kooperasyong pangkultura sa pagitan ng iba't ibang bansa, batay sa pagpapalalim ng pagpapalitan ng mga mamamayan, paggalang sa iba't ibang sibilisasyon, pagpapalakas ng pangangalaga sa mga pamanang pangkultura, at pagpapasulong ng inobasyong pangkultura.
Salin: Liu Kai