Binaba kamakailan ng World Trade Organization (WTO) ang tinatayang paglaki ng bolyum ng pandaigdig na kalakalan ng paninda sa taong ito. Kaugnay nito, ipinahayag kahapon, Sabado, October 1 2016, ng tagapagsalita ng Ministri ng Komersyo ng Tsina, na marami ang mga dahilan kung bakit ginawa ng WTO ang naturang pagtaya.
Ayon sa nabanggit na tagapagsalita, ang mga dahilan ay kinabibilangan ng mahinang kabuhayang pandaigdig, ligalig na pandaigdig na pamilihang pinansyal, pagkalat ng proteksyonismong pangkalakalan, at iba pa. Aniya, ang mabagal na paglaki ng kalakalan ng mga umuunlad na bansa na gaya ng Tsina at Brazil, at pagbaba ng pag-aangkat ng Hilagang Amerika ay isa sa naturang mga dahilan.
Dagdag pa ng tagapagsalita, ayon sa estadistika ng WTO, noong unang hati ng taong ito, magkahiwalay na lumaki ng 0.6% at 3% ang bolyum ng pagluluwas at pag-aangkat ng Tsina. Aniya, kung ihahambing sa 0.7% at 0.2% na paglaki ng bolyum ng pagluluwas at pag-aangkat ng daigdig, maganda pa rin ang estadistika ng Tsina.
Ipinahayag din ng tagapagsalita ang kahandaan ng Tsina, kasama ng iba't ibang bansa ng daigdig, na igiit ang kalayaan sa kalakalang pandaigdig, palawakin ang pagbubukas sa labas, at tutulan ang proteksyonismong pangkalakalan, para pasulungin ang sustenableng paglaki ng kalakalang pandaigdig.
Salin: Liu Kai