|
||||||||
|
||
Malacañang, Pilipinas--Bago ang kanyang opisyal na pagdalaw sa Tsina mula Oktubre 18-21, 2016, kinapanayam si Pangulong Rodrigo R. Duterte ng Xinhua News Agency, opisyal na ahensya sa pagbabalita ng Tsina.
Sa panayam, ipinahayag ni Pangulong Duterte ang pag-asang mapapalalim ang pagtutulungang pangkabuhaya't pangkalakalan at maiaangat ang tradisyonal na pagkakaibigan ng dalawang bansa.
Idinagdag pa ni Pangulong Duterte na masagana ang Pilipinas sa mga yaman sa turismo, pagmimina at agrikultura. Aniya pa, malaki ang potensyal ng pagtutulungan ng Pilipinas at Tsina sa nasabing mga larangan.
Ipinahayag din ng pangulong Pilipino ang kahandaan sa paglahok sa Belt and Road Initiative na iniharap ng Tsina para sa komong pag-unlad. Aniya pa, ang paglahok ng Pilipinas sa nasabing inisyatiba ay makakabuti sa pagpapasulong ng imprastruktura ng bansa na gaya ng daambakal at puwerto.
Pinasalamatan din ni Pangulong Duterte ang Tsina sa suporta sa pakikibaka laban sa droga ng Pilipinas na gaya ng pagbibigay-tulong sa pagtatayo ng drug rehabilitation center.
Nakahanda rin aniya na matuto ang Pilipinas sa karanasan ng Tsina sa pagpapasulong ng pambansang kaunlaran.
Ipinahayag ni Pangulong Duterte ang paghanga sa ibinigay na tulong ng Tsina sa mga umuunlad na bansa sa Timog-silangang Asya at Aprika.
Kaugnay ng isyu ng South China Sea, ipinagdiinan ni Pangulong Duterte na nakahanda siyang direktang makipagtalakayan sa Tsina hinggil sa isyung ito. Nakahanda aniya ang Pilipinas na maggalugad, kasama ng Tsina, sa nasabing karagatan.
Sinabi pa ni Pangulong Duterte na ilang beses na siyang nakabisita sa Tsina, pero ito ang kanyang unang pagdalaw sa bansang ito bilang puno ng estado ng Pilipinas. Umaasa aniya siyang masasamantala ang pagkakataong ito para mapasulong ang pag-uunawaan at mapahigpit ang pagtutulungan sa iba't ibang larangan.
Salin: Jade
Pulido: Rhio
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |