Mula noong ika-13 hanggang ika-17 ng Oktubre, magkakasunod na bumisita si Pangulong Xi Jinping ng Tsina sa Kambodya, Bangladesh at dumalo sa Ika-8 BRICS summit na idinaos sa Goa, India. Sa pagtatapos ng buong biyahe, ipinahayag ni Wang Yi, Ministrong Panlabas ng Tsina na matagumpay ang mga biyaheng ito.
Sinabi ni Wang na sa unang bahagi ng pagbisita, pumunta sa Kambodya si Pangulong Xi at narating ng dalawang panig ang pagkakaisa sa maraming aspekto, partikular na, sa pagtatatag ng Belt and Road Initiative, pagpapasulong ng kooperasyon sa Sihanouk Port Economic Zone at iba pang malaking proyekto.
Kaugnay naman ng pagdalaw ni Pangulong Xi sa Bangladesh, sinabi ni Wang na ito ang kuna-unahang pagbisita ng lider Tsino sa bansang ito nitong 30 taong nakalipas. Sa kanyang pakikipagtagpo sa mga lider ng Bangladesh na kinabibilangan ni Punong Ministro Sheikh Hasina, sinang-ayunan ng dalawang panig na palakasin ang kooperasyon sa kabuhayang pandagat, pagtatatag ng puwerto, komunikasyon at iba pang larangan at pasulungin ang mas maagang pagtatamo ng bunga ng Bangladesh-China-India-Myanmar Economic Corridor.
Hinggil naman sa pagtatagpo ng mga lider ng bansang BRICS, sinabi ni Wang na ang kasalukuyang taon ay ika-10 anibersaryo ng pagtatatag ng mekanismo ng BRICS. Sa kanyang talumpati sa pagtatagpo, sinabi ni Wang na ibayo pang pinaliwanag ni Pangulong Xi ang paninindigan ng Tsina sa pagpapasulong ng kooperasyon ng mga bansang BRICS, at nakapagbigay ng inspirasyon sa ibang lider tungkol sa direksyon ng pagpapaunlad ng BRICS sa hinaharap.