Kaugnay ng sinabi ng panig militar ng Amerika na may pag-asang matatapos sa unang hati ng susunod na taon ang pagde-deploy ng Terminal High Altitude Area Defense (THAAD) system sa Timog Korea, ipinahayag ngayong araw, Biyernes, ika-4 ng Nobyembre 2016, sa Beijing ni Tagapagsalita Hua Chunying ng Ministring Panlabas ng Tsina, na dapat agarang itigil ng panig Amerikano ang naturang pagde-deploy.
Sinabi ni Hua, na ang pagde-deploy ng Amerika ng THAAD sa T.Korea ay makakasira ng estratehikong balanse sa rehiyong ito, makakapinsala sa katiwasayan ng Tsina at ibang bansa sa rehiyon, at labag din sa pagsisikap para sa pangangalaga ng kapayapaan at katatagan ng Korean Peninsula.
Dagdag pa niya, maraming beses nang ipinahayag ng panig Tsino ang pagkabahala at pagtutol sa usaping ito. Isasagawa aniya ng Tsina ang mga kinakailangang hakbangin para igarantiya ang sariling interes.
Salin: Liu Kai