Sinimulan ngayong araw, Lunes, ika-7 ng Nobyembre 2016, ng mga mamamahayag mula sa mga media ng sampung bansa ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ang pagbisita sa Anhui, lalawigan sa silangang Tsina.
Tatagal ng pitong araw ang biyaheng ito. Bibisita ang mga mamamahayag ng mga bansang ASEAN sa apat na lunsod ng Anhui.
Sa seremonya ng pagsisimula ng biyahe na idinaos nang araw ring iyon sa Hefei, punong lunsod ng Anhui, sinabi ni Yu Aihua, Pirmihang Pangalawang Puno ng Communication Department ng lalawigang ito, na ang mga bansang ASEAN at Tsina ay matalik na magkapitbansa at magkatuwang. Ang ASEAN din aniya ay pangunahing destinasyon ng pagbubukas sa labas ng Anhui. Umaasa siyang mapapasulong ng biyaheng ito ang pagkakaunawaan, pagpapalitan, at pagtutulungan sa pagitan ng Anhui at iba't ibang bansang ASEAN.
Kabilang sa mga mamamahayag ng ASEAN ay sina Emmanuel Joseph Panaligan, Entertainment Editor ng Manila Bulletin, at Zhuang Ming Deng, Executive Editor ng Chinese Commercial News ng Pilipinas.
Salin: Liu Kai