Pinagtibay ngayong araw, Lunes, ika-7 ng Nobyembre 2016, ng Pirmihang Lupon ng Pambansang Kongresong Bayan ng Tsina, kataas-taasang lehislatura ng bansa, ang Batas sa Cyber Security. Paiiralin ang batas na ito sa unang araw ng Hunyo ng susunod na taon.
Kaugnay nito, sinabi nang araw ring iyon ni Yang Heqing, opisyal ng nabanggit na pirmihang lupon, na ang pagkakaroon ng Batas sa Cyber Security ay bilang tugon sa kasalukuyang napakagrabeng hamon sa cyber security ng Tsina. Ito rin aniya ay para pangalagaan ang lehitimong interes ng mga mamamayan sa cyber space.
Ipinahayag din ni Yang, na hindi inilalagay sa naturang batas ang trade barrier sa mga cyber product at service ng ibang bansa. Tinatanggap aniya ng Tsina ang lahat ng mga produkto at serbisyong ito, na alinsunod sa batas at makakabuti sa interes ng mga mamimiling Tsino.
Salin: Liu Kai