|
||||||||
|
||
Washington D.C.—Ipinahayag nitong Miyerkules, Disyembre 2, 2015, ng White House ang mainit na pagtanggap sa Unang Diyalogong Ministeryal ng Tsina at Amerika hinggil sa Pakikibaka laban sa cyber crimes. Inilarawan nito ang nasabing Diyalogo bilang "mahalagang hakbang" na magpapalakas ng bilateral na relasyon ng dalawang bansa.
Sa regular na news briefing, sinabi ni White House spokesman Josh Earnest na ang pag-uusap ng mga opisyal ng pambansang seguridad at opisyal ng pagpapatupad sa batas ng dalawang bansa ay magpapasulong din sa pagsasakatuparan ng mga hangarin at layunin na ibinabahagi ng dalawang bansa.
Binuksan nitong Martes, Disyembre 1, 2015 ang dalawang araw na diyalogo ng Tsina at Amerika. Magkasama itong pinanguluhan nina Guo Shengkun, Kasangguni ng Estado ng Tsina, Loretta Lynch, Secretary ng US Justice Department, at Jeh Charles Johnson, Secretary ng US Homeland Security.
Ginawa ang nasabing Diyalogo bilang pagtupad sa napagkasunduan nina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Pangulong Barack Obama ng Estados Unidos sa kanilang pagtatagpo nitong nagdaang Setyembre, sa Washington D.C.. Layon ng Diyalogo na gawing hindi hadlang sa pag-unlad ng relasyong Sino-Amerikano ang mga isyu ng cyber security.
Tagapagsalin/Tagapag-edit: Jade
Tagapagpulido:Rhio
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |