Nag-usap Oktubre 16, 2016 sa Goa, India sina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Pangulong Maithripala Sirisena ng Sri Lanka.
Tinukoy ni Pangulong Xi na nananatiling malusog ang tunguhing pangkaunlaran ng relasyon ng Tsina at Sri Lanka. Positibo aniya ang Tsina sa aktibong pakikisangkot ng Sri Lanka sa pagtatatag ng "Belt and Road Initiative." Nakahanda aniya ang Tsina na magsikap, kasama ng Sri Lanka, para palalimin ang kanilang pragmatikong pagtutulungan, batay sa balangkas ng naturang inisyatibo. Ipinahayag din ng Pangulong Tsino ang pag-asang ibayong pahihigpitin ang pagtutulungan ng dalawang panig sa ibat-ibang larangang kinabibilangan ng kalakalan, imprastruktura, produktibong kakayahan, pagpapabuti ng pamumuhay ng mga mamamayan, at iba pa. Samantala, inaasahang magpapatuloy ang pagbibigay-suporta sa isa't isa ng 2 bansa sa mga suliraning panrehiyon at pandaigdig, batay sa mga multilateral na balangkas, dagdag ng Pangulong Tsnio.
Ipinahayag naman ni Maithripala Sirisena ang pasasalamat sa tulong na ibinibigay ng Tsina sa Sri Lanka. Aniya, ipagpapatuloy ng Sri Lanka ang pananangan sa patakarang "Isang Tsina." Magsikap aniya ang Sri Lanka, kasama ng Tsina para pahigpitin ang koordinasyon sa mga suliraning panrehiyon at pandaigdig, sa bagong kalagayan ng mundo. Umaasa aniya siyang lalo pang hihigpit ang pakikipagtulungang pangkabuhayan at pangkalakalan ng kanyang bansa sa Tsina. Hinihintay aniya ng Sri Lanka ang mas malaking pamumuhunan mula sa mga bahay-kalakal ng Tsina.