Idinaos kamakailan sa Beijing ang taunang pulong hinggil sa kabuhayan at kooperasyong pandaigdig ng Tsina. Tinalakay ng mga kalahok na iskolar na Tsino at dayuhan ang hinggil sa "Belt and Road" initiative na iniharap ng Tsina.
Isinalaysay ni Cao Wenlian, Puno ng Sentro ng Kooperasyong Pandaigdig ng Pambansang Komisyon sa Pag-unlad at Reporma ng Tsina, na hanggang sa kasalukuyan, nilagdaan ng Tsina at halos 50 bansa ng daigdig ang kasunduang pangkooperasyon hinggil sa "Belt and Road" initiative, at isinagawa rin ng Tsina at mahigit 20 bansa ang sistematikong kooperasyon sa production capacity. Ipinakikita aniya nitong lumampas na sa inaasahan ang natamong progreso at bunga ng "Belt and Road" initiative.
Ipinahayag naman ni Jaewoo Choo, propesor ng Kyung Hee University ng Timog Korea, na ang "Belt and Road" initiative ay bagong lakas na tagapagpasulong sa pandaigdig na kooperasyong pangkabuhayan. Ito aniya ay makakabuti sa pagkakaisa ng palagay at mga aksyon sa pagpapaunlad ng kabuhayan ng iba't ibang bansa. Iminungkahi rin niyang pag-ugnayin ang "Belt and Road" initiative at mga katulad na initiative na iniharap ng mga iba pang bansa hinggil sa kooperasyong pangkabuhayan.
Ipinalalagay naman ni Wang Huiyao, Puno ng Center for China and Globalization, na sa kasalukuyan, lumilitaw ang mga palatandaan ng proteksyonismong pangkalakalan at pag-uurong sa globalisasyon. Aniya, sa ilalim ng kalagayang ito, lubos na nakikita ang kahalagahan ng "Belt and Road" initiative.
Salin: Liu Kai