Ipinalabas ngayong araw, Huwebes, December 1, 2016, ng Tsina ang white paper hinggil sa karapatan sa pag-unlad.
Inilakip sa white paper ang ideya ng Tsina sa karapatan sa pag-unlad, kalagayan ng pagpapasulong ng karapatan sa pag-unlad, mga konkretong estadistika hinggil sa pagtatamasa ng mga mamamayang Tsino ng karapatan sa pag-unlad, pandaigdig na kooperasyon ng Tsina sa usapin ng karapatan sa pag-unlad, at iba pa.
Anang white paper, itinuturing ng pamahalaang Tsino ang pag-unlad bilang isa sa mga pinakamahalagang tungkulin, at ginagawa ang malaking pagsisikap para isakatuparan at igarantiya ang karapatan ng mga mamamayan sa pag-unlad.
Tinukoy din ng white paper, na kinakaharap ng Tsina ang malaking kahirapan sa pag-unlad, at umiiral ang mga problema na gaya ng pagiging di-balanse, di koordinado, at di sustenable ng pag-unlad. Anito, dapat pag-ibayuhin ng Tsina ang pagsisikap, para isakatuparan ang pag-unlad sa mas mataas na antas, at mas mabuting igarantiya ang karapatan sa pag-unlad.
Ayon pa rin sa white paper, nitong mahigit 60 taong nakalipas, ipinagkaloob ng Tsina sa 166 na bansa at organisasyon ng daigdig ang halos 400 bilyong yuan RMB o 58 bilyong dolyares na tulong para sa pag-unlad. Patuloy anitong palalakasin ng Tsina, kasama ng komunidad ng daigdig, ang kooperasyon sa usapin ng pag-unlad, at pasusulungin ang pagpapalitan ng mga karanasan, para magbigay ng ambag sa pagtaas ng lebel ng pag-unlad ng buong daigdig.
Salin: Liu Kai