Sa panahon ng kanilang paglahok sa pandaigdig na symposium na binuksan kahapon, Linggo, ika-4 ng Disyembre 2016, sa Beijing, bilang paggunita sa ika-30 anibersaryo ng pagpapatibay ng Declaration on the Right to Development, positibong pagtasa ang ibinigay ng mga dayuhang dalubhasa sa karapatang pantao sa natamong bunga ng Tsina sa pagbabawas ng kahirapan.
Sinabi ni Zamir Akram, Tagapangulo ng Working Group on the Right to Development ng United Nations Human Rights Council, na ang pagpapaginhawa ng Tsina sa buhay ng mahigit 700 milyong mahihirap na mamamayan nito sa loob ng 30 taon ay napakalaking tagumpay.
Ipinalalagay naman ni Tom Zwart, Puno ng Institute of Human Rights ng Netherlands, na natamo ng Tsina ang malaking bunga sa pagbabawas ng kahirapan. Aniya, ang ideya ng "put people first" ay susi sa pagtatamo ng bungang ito.
Ayon sa white paper na ipinalabas noong nagdaang Oktubre ng pamahalaang Tsina, nitong mahigit 30 taong nakalipas, mahigit 700 milyong populasyon ng bansa ang naihulagpos sa kahirapan. Anang white paper, ang bunga sa pagbabawas ng kahirapan ay itinuturing na pinaka-namumukod na palatandaan ng pag-unlad ng usapin ng karapatang pantao ng Tsina.
Salin: Liu Kai