|
||||||||
|
||
Sinabi nitong Miyerkules, Disyembre 7, 2016, ni Wu Haitao, Pangalawang Kinatawang Tsino sa United Nations (UN), na natamo ngayon ng pandaigdigang suliranin ng dagat at batas ng dagat ang napakaraming bagong progreso, ngunit kinakaharap din nito ang maraming bagong hamon. Bilang tugon, dapat aniyang pasulungin ng komunidad ng daigdig ang pangangasiwa sa dagat alinsunod sa batas, at dapat ding itatag at pangalagaan ang pantay at makatwirang kaayusang pandagat.
Ito ang naging pahayag ni Wu sa kanyang pagdalo nang araw ring iyon sa pulong ng Ika-71 Pangkalahatang Asemblea ng UN na may temang "Dagat at Batas ng Dagat."
Ipinahayag ni Wu na dapat magkaroon ang iba't-ibang bansa ng lubos na pagkokoordinahan sa kanilang posisyon upang matatag na isulong ang internasyonal na pagsasaayos sa dagat. Sa mga talastasan, dapat aniyang isaalang-alang ang pangangailangan ng iba't-ibang bansa, partikular na mga umuunlad na bansa, sa makatwirang paggamit ng mga maybuhay at yaman sa dagat. Bukod dito, ang mga bagong lalagdaang kasunduan ay hindi dapat pinsalain ang mga lehitimong karapatan ng iba't-ibang bansa na tulad ng paglalayag, siyentipikong pag-aaral, pangingisda, at pagmimina.
Kaugnay ng isyu ng South China Sea, sinabi ni Wu na lubos na pinahahalagahan ng Tsina ang kapayapaan at katatagan sa South China Sea. Palagian aniyang iginigiit ng Tsina ang paghawak sa isyung ito sa konstruktibong atityud.
Salin: Li Feng
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |