Ipinahayag nitong Huwebes, Disyembre 8, 2016, ni Tagapagsalita Lu Kang ng Ministring Panlabas ng Tsina, na nakahanda ang pamahalaang Tsino na magsikap kasama ng bagong Embahador na Amerikano sa Tsina, upang mapasulong ang sustenable, malusog, at matatag na pag-unlad ng relasyong Sino-Amerikano.
Naunang idineklara ng transition team ni American President-elect Donald Trump na ino-nominate si Terry Branstad, Gobernador ng Iowa State ng Amerika, bilang embahador sa Tsina. Ayon naman sa ilang American mass media, tinanggap na ni Branstad ang nominasyong ito.
Napag-alamang maraming beses na binisita ng 70 taong-gulang na si Branstad ang Tsina na itinuturing siya bilang isa sa mga politikong Amerikano na nakikipagkaibigan sa Tsina.
Sinabi ni Lu na noong panahong nanungkulan si Branstad bilang gobernador, gumawa siya ng napakaraming pagsisikap para isulong ang pagpapalitan at pagtutulungang Sino-Amerikano. Inaasahan aniya ng Tsina na makakapagbigay ng mas malaking ambag para mapasulong ang relasyon ng dalawang bansa.
Salin: Li Feng