Sinabi ngayong araw, Miyerkules, ika-4 ng Enero 2017, sa Beijing, ni Tagapagsalita Geng Shuang ng Ministring Panlabas ng Tsina, na ang ASEAN ay laging priyoridad ng diplomasya ng Tsina sa karatig na rehiyon. Buong lakas aniyang kakatigan ng Tsina ang Pilipinas bilang bansang tagapangulo ng ASEAN, at pasusulungin sa bagong antas ang relasyong Sino-ASEAN.
Tinukoy ni Geng, na noong Setyembre 2016, sa summit bilang paggunita sa ika-25 anibersaryo ng relasyong pandiyalogo ng Tsina at ASEAN, buong pagkakaisang sinang-ayunan ng mga lider ng Tsina at sampung bansang ASEAN ang ibayo pang pagpapasulong ng kooperasyong Sino-ASEAN. Ito aniya ay nagpakita ng matatag na determinasyon ng naturang mga bansa sa pagpapalalim ng pagtitiwalaan at pagpapahalaga sa pagtutulungan.
Sinabi rin ni Geng, na sa taong 2017, nakahanda ang Tsina, kasama ng ASEAN, na palakasin ang pagpapalitan hinggil sa mga patakaran, pag-uugnayan ng mga estratehiyang pangkaunlaran, at komprehensibong kooperasyon sa iba't ibang larangan. Dagdag pa niya, sa pamamagitan ng taong ito na "taon ng kooperasyong panturismo ng Tsina at ASEAN," umaasa rin ang Tsina na pasusulungin ng dalawang panig ang kooperasyong panlipunan at pangkultura, para magbigay ng bagong lakas sa kanilang kooperasyon.
Salin: Liu Kai