Nitong Lunes, Enero 2, 2016, dumating ng Manila ang dalawang warship ng Russian Navy upang pasimulan ang anim (6) na araw na mapagkaibigang bisita sa Pilipinas. Sapul noong 2005, ito ang unang pagpapalitang militar ng mga hukbong pandagat ng dalawang bansa. Nang kapanayamin ng mediang lokal, ipinahayag ni Russian Navy Pacific Deputy Commander Rear Admiral Eduard Mikhailov, na kasalukuyang tinatalakay ng dalawang hukbong pandagat ang pagsasagawa ng magkasanib na maritime exercises.
Kaugnay ng nasabing biyahe ng Russian Navy, ipinalalagay ng mga mediang Pilipino na kasalukuyang kinakaharap ng Pilipinas ang grabeng hamon mula sa terorismo. Bagama't kaunti ang miyembro ng sandatahang lakas ng Abu Sayyaf Group sa katimugan ng bansa, malakas ang combat capability nito. Bukod dito, mayroon pa itong mahigpit na pakikipag-ugnay sa Islamic State (IS) at Al-Qaeda. Sa kalagayang ito, ang pagpapalakas ng pandaigdigang kooperasyong militar ay nakakatulong sa pagpapataas ng kakayahan ng hukbong Pilipino.
Ayon pa sa ilang tagapag-analisa, umaasa ang Pilipinas na maibabalanse ang relasyong Pilipino-Amerikano sa pamamagitan ng Rusya. Sa pamamagitan ng biyahe ng Russian Navy, inilabas ng panig Pilipino ang signal na ang Amerika ay hindi magsisilbing tanging security partner nito. Ito anila ay hindi lamang nakakatulong sa pagbabalanse ni Pangulong Rodrigo Duterte sa impluwensiya ng Amerika sa loob ng bansa, kundi makukuha pa nito ang aktuwal na tulong mula sa Rusya upang maresolba ang mga kinakaharap na problema.
Salin: Li Feng