Ipinalabas kahapon, Huwebes, ika-5 ng Enero 2017, ng Ministri ng Turismo at Palakasan ng Thailand, na noong taong 2016, naglakbay sa Thailand ang 32.58 milyong turistang dayuhan. Ang bilang na ito ay lumaki ng mahigit 8.9% kumpara sa taong 2015.
Ayon pa rin sa estadistika, noong isang taon, ang karaniwang tagal ng pananatili ng isang turistang dayuhan sa Thailand ay 9 at kalahating araw. Kumita ang Thailand ng mahigit 1.6 trilyong Thai Baht o halos 45.9 bilyong Dolyares mula sa mga turistang dayuhan, at ang bilang na ito ay lumaki ng mahigit 12.6% kumpara sa taong 2015.
Sinabi nang araw ring iyon ng Tourism Authority of Thailand, na noong isang taon, 8.7 milyon ang bilang ng mga turistang Tsino sa Thailand, at mas malaki ito nang 1.1 milyon kumpara sa taong 2015. Tinataya rin ng naturang awtoridad, na sa taong ito, aabot sa 9 na milyon ang bilang ng mga turistang Tsino sa Thailand.
Salin: Liu Kai