Ipinalabas kahapon, Martes, ika-10 ng Enero 2017, ng US-China Business Council ang ulat hinggil sa relasyong pangkabuhayan at pangkalakalan ng Amerika at Tsina. Anang ulat, ang magandang relasyong ito ay makakatulong sa paglaki ng kabuhayan at hanapbuhay ng Amerika.
Ayon sa naturang ulat na ginawa ng Oxford Economics advisory company, kasunod ng Mexico at Kanada, ang Tsina ay ikatlong pinakamalaking destinasyon ng pagluluwas ng mga paninda at serbisyo ng Amerika. Noong 2015, 165 bilyong Dolyares ang kabuuang halaga ng mga iniluwas na paninda at serbisyo ng Amerika sa Tsina, at ito ay katumbas ng 7.3% ng kabuuang halaga ng pagluluwas ng Amerika.
Ayon pa rin sa ulat, noong 2015, halos 2.6 milyong trabaho sa Amerika ay sinusuportahan ng bilatarel na pamumuhunan at kalakalan ng Amerika at Tsina. Ito rin ay nagbigay ng 216 na bilyong Dolyares sa paglaki ng kabuhayan ng Amerika, at ang halagang ito ay katumbas ng 1.2% ng GDP ng Amerika noong taong iyon.
Tinataya rin ng ulat, na sa taong 2026, aabot sa 369 na bilyong Dolyares ang kabuuang halaga ng mga iluluwas na paninda at serbisyo ng Amerika sa Tsina, at sa 2050 naman, magiging 520 bilyon ang bilang na ito.
Salin: Liu Kai