Inilabas ng Tsina ngayong araw, Miyerkules, ika-11 ng Enero 2017, ang kauna-unahang white paper hinggil sa mga patakaran nito sa kooperasyong panseguridad sa Asya-Pasipiko.
Inilakip sa white paper ang mga nilalamang kinabibilangan ng mga patakaran at paninindigan ng Tsina sa kooperasyong panseguridad sa Asya-Pasipiko, mga ideya ng Tsina sa seguridad sa Asya-Pasipiko, relasyon ng Tsina sa iba pang bansa sa rehiyong ito, paninindigan at mungkahi ng Tsina sa mga mainit na isyung panrehiyon, kalagayan ng paglahok ng Tsina sa mga multilateral na mekanismo sa rehiyon, at kalagayan ng paglahok ng Tsina sa rehiyonal na kooperasyon sa aspekto ng mga di-tradisyonal na seguridad.
Anang white paper, para maisakatuparan ang kapayapaan at katatagan sa Asya-Pasipiko, nakahanda ang Tsina, kasama ng iba pang bansa sa rehiyong ito, na pasulungin ang komong pag-unlad, palalimin ang partnership, pabutihin ang mga multilateral na mekanismo sa rehiyon, palakasin ang pagpapalitan at pagtutulungang militar, at maayos na hawakan ang mga pagkakaiba.
Tinukoy din ng white paper, na sa pamamagitan ng sariling pag-unlad, nakahanda ang Tsina na magdulot ng mas maraming pagkakataon para sa kooperasyon at kaunlaran sa Asya-Pasipiko, upang lumikha ng mas magandang kinabukasan ng pag-unlad ng rehiyong ito.
Salin: Liu Kai