Nakipagtagpo ngayong araw, Biyernes, ika-13 ng Enero 2017, sa Beijing, si Li Keqiang, Pirmihang Kagawad ng Pulitburo ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina (CPC) at Premyer ng bansa, kay Nguyen Phu Trong, Pangkalahatang Kalihim ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Biyetnam (CPV).
Ipinahayag ni Li ang kahandaan ng Tsina, kasama ng Biyetnam, na palalimin ang pagtitiwalaang pulitikal, pasulungin ang pagpapalitan at pagtutulungan sa iba't ibang larangan, at patibayin ang relasyong may mutuwal na kapakinabangan at win-win result. Binigyang-diin din ni Li, na pinahahalagahan ng Tsina ang rehiyonal na kooperasyon sa ilalim ng balangkas ng ASEAN plus China, Lancang-Mekong subregional cooperation, at iba pa. Dapat aniya palakasin ang mga kooperasyong ito.
Ipinahayag naman ni Nguyen, na kailangang panatilihin ng Biyetnam at Tsina ang magandang tunguhin ng pag-unlad ng kanilang relasyon. Nakahanda rin aniya ang Biyetnam, kasama ng Tsina, na magbigay ng ambag sa kapayapaan at kaunlaran ng rehiyon at daigdig.
Salin: Liu Kai