Pinuna kahapon, Lunes, ika-16 ng Enero 2017, ni Tagapagsalita Hua Chunying ng Ministring Panlabas ng Tsina, ang panunulsol ng Hapon sa isyu ng South China Sea.
Winika ito ni Hua kaugnay ng pagdalaw kamakailan ni Punong Ministro Shinzo Abe ng Hapon sa Pilipinas, Australya, at Indonesya. Ayon sa ulat, sa mga okasyon sa naturang mga bansa, sinadyang binanggit ni Abe ang isyu ng South China Sea. Iniharap din niya ang mungkahi hinggil sa pagkakaloob ng missiles sa Pilipinas, pero tinanggihan ito ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Kaugnay nito, sinabi ni Hua, na hinahangaan ng panig Tsino ang nagsasariling patakarang panlabas ng Pilipinas sa administrasyon ni Pangulong Duterte hinggil sa pagpapaunlad ng relasyong pangkaibigan at pangkooperasyon sa ibang bansa, batay sa pagkakapantay-pantay at paggagalangan.
Sinabi rin niyang, sa pamamagitan ng magkakasamang pagsisikap ng Tsina at mga may kinalamang bansa ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), nagiging maganda ang kalagayan sa South China Sea, at napanumbalik na ang tumpak na landas ng paglutas sa isyung ito sa pamamagitan ng talastasan at pagsasanggunian. Aniya, sa kalagayang ito, gusto pa rin ng punong ministrong Hapones na idulot ang sigalot sa isyung ito, at painitin ang rehiyonal na tensyon. Ang aksyong ito ng panig Hapones ay nagpapakita ng masamang motibo at di-malusog na atityud nito, dagdag ni Hua.
Salin: Liu Kai