Sa pagtataguyod ng China-ASEAN Business Council (CABC) at ASEAN Committee in Beijing (ACB), nagtipun-tipon kahapon, Martes, ika-17 ng Enero 2017, sa Beijing ang mga opisyal mula sa Tsina at iba't ibang bansa ng Association of Southeast Asian Nations, para talakayin ang kooperasyon ng dalawang panig.
Iniharap ni Xu Ningning, Executive President ng CABC, ang tatlong mungkahi hinggil sa kooperasyong Sino-ASEAN sa bagong taong ito. Ang mga ito aniya ay kinabibilangan ng magkakasamang pagpapasulong ng rehiyonal na integrasyong pangkabuhayan, pagpapayaman ng kooperasyong industriyal, at ibayo pang pagpapatingkad ng papel ng mga bahay-kalakal ng iba't ibang bansa sa rehiyonal na kooperasyong pangkabuhayan.
Pinasalamatan naman ni Rowel Barba, Pangalawang Kalihim ng Kalakalan at Industriya ng Pilipinas, ang CABC sa pagpapasulong ng kooperasyon ng mga bahay-kalakal ng Tsina at mga bansang ASEAN. Umaasa aniya siyang ibayo pang daragdagan ng dalawang panig ang pamumuhunan sa isa't isa sa bagong taon.
Ipinahayag naman ni Soegeng Rahardjo, Embahador ng Indonesya sa Tsina, ang pagkatig sa mga gawain ng CABC sa bagong taon. Hihikayatin aniya ng Indonesya ang mas maraming pamumuhunan mula sa mga bahay-kalakal na Tsino.
Salin: Liu Kai