Sa isang preskong idinaos ng regular na taunang pulong ng Pambansang Kongresong Bayan (NPC) ng Tsina, ipinahayag nitong Miyerkules, Marso 8, 2017, ni Ministrong Panlabas Wang Yi ng Tsina, na bunga ng pagpapahupa ng matensyong relasyong Sino-Pilipino, naalis na ang hadlang sa relasyon sa pagitan ng Tsina at Association Southeast Asian Nations (ASEAN). Magugunitang ang nagdaang taon ay ika-25 anibersaryo ng pagkakatatag ng relasyong pandiyalogo ng Tsina at ASEAN, at ang kasalukuyang taon naman ay eksaktong ika-50 anibersaryo ng pagkakatatag ng ASEAN.
Ani Wang, kung pag-uusapan ang kooperasyong panrehiyon, kakatigan ng Tsina ang Pilipinas sa pagpapatupad ng tungkulin nito bilang bansang tagapangulo ng ASEAN upang mapasulong ang konstruksyon ng komunidad ng ASEAN.
Ipinahayag pa ni Wang ang kahandaan ng Tsina na palalimin ang pakikipagkooperasyon sa ASEAN sa konektibidad at kakayahan ng produksyon. Isusulong din aniya ang pagtatamo ng bunga ng pag-u-upgrade ng China-ASEAN Free Trade Area (CATFA) sa lalong madaling panahon, at tatapusin ang talastasan tungkol sa Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP) sa pinakamadaling panahon.
Salin: Li Feng