Ipinahayag sa Beijing nitong Martes, Marso 14, 2017, ni Tagapagsalita Hua Chunying ng Ministring Panlabas ng Tsina, ang pagtanggap at paghanga ng panig Tsino sa posisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagbabalita tungkol sa "Benham Rise." Aniya, naunang nagkoordina ang Tsina at Pilipinas hinggil sa nasabing isyu. Matapos ito ay napaliwanag ang katotohanan at maayos nilang nahawakan ang isyung ito.
Bilang tugon sa pagbabalita kamakailan ng media na umano'y naglayag ang Chinese survey ship sa karagatang nakapaligid ng "Benham Rise," ipinahayag ni Pangulong Duterte na scientific research ship lamang ang kaukulang bapor ng Tsina, at hindi ito lumapastangan sa teritoryong pandagat ng bansa. Aniya pa, sumusulong ang kasalukuyang situwasyon sa napakabuting direksyon, at hindi dapat magkasigalot ang Pilipinas at Tsina dahil lamang sa karapatan ng pagmamay-ari at soberanya.
Tungkol dito, ipinagdiinan ni Hua na nagiging mainam ang kasalukuyang tunguhin ng pag-unlad ng relasyong Sino-Pilipino. Lubos aniyang pinahahalagahan ng panig Tsino ang relasyong pangkaibigan sa Pilipinas. Nakahanda ang panig Tsino na isakatuparan kasama ng panig Pilipino, ang mga mahahalagang komong palagay na narating ng mga lider ng dalawang bansa, upang mapasulong pa ang kanilang relasyon, dagdag pa niya.
Salin: Li Feng