Idinaos nitong Martes at Miyerkules, ika-14 at ika-15 ng Marso 2017, sa Viña del Mar, Chile, ang High-level Dialogue on Integration Initiatives in the Asia-Pacific Region.
Sa pagtataguyod ng Pacific Alliance, lumahok sa diyalogong ito ang mga kinatawan ng apat na kasapi ng naturang alyansa na kinabibilangan ng Chile, Columbia, Mexico, at Peru, 11 signataryong bansa ng Trans-Pacific Partnership Agreement (TPP), at ilang bansa na gaya ng Tsina, Amerika, at Timog Korea.
Sa kanyang talumpati sa diyalogo, ipinahayag ni Yin Hengmin, Espesyal na Kinatawan ng Pamahalaang Tsino sa mga Suliranin ng Latin-Amerika, ang pagkatig ng kanyang bansa sa globalisasyon at integrasyong pangkabuhayan sa Asya-Pasipiko. Dagdag niya, buong lakas na pasusulungin ng Tsina ang pagtatatag ng Malayang Sonang Pangkalakalan ng Asya-Pasipiko, "Belt and Road" initiative, at talastasan hinggil sa Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP) na itinataguyod ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).
Sa panahon ng naturang diyalogo, idinaos din ng mga signataryong bansa ng TPP ang pulong, kung saan ipinahayag nila ang kahandaang patuloy na pasulungin ang TPP, sa kabila ng pag-urong dito ng Amerika. Kaugnay nito, sinabi sa media ni Yin, na ang Tsina ay hindi kasapi ng TPP, at hindi ito lumahok at hindi rin lalahok sa mga pulong ng TPP.
Salin: Liu Kai