|
||||||||
|
||
Boao, Hainan, Tsina - Sa pagtataguyod ng Boao Forum for Asia (BFA), China Radio International (CRI) at China Public Diplomacy Association, idinaos Huwebes, Marso 23, 2017 ang taunang BFA Media Roundtable kung saan pinag-usapan ang paglalatag ng pundasyon sa pagtatatag ng isang Asian Media Cooperative Organization (AMCO) na mag-i-interkonekta sa lahat ng organisasyon ng media sa loob at labas ng Asya.
Layon ng AMCO na magtayo ng isang mapagkakatiwalaang internasyonal na kooperatibong plataporma para sa kooperasyon, pagpapalitan at magkakasamang pagsasahimpapawid ng mga balita, impormasyon, at ibat-ibang kultural na programa.
Si Maria Elizabeth Raymundo, Acting Chief ng News Division at Public Affairs Division ng Philippine Broadcasting Service
Sa panayam ng Serbisyo Filipno kay Maria Elizabeth Raymundo, Acting Chief ng News Division at Public Affairs Division ng Philippine Broadcasting Service, sinabi niyang gaganap ng mahalagang papel ang AMCO sa integrasyon ng media, pamahalaan, at kakayahan ng mga pribadong negosyo para i-promote ang epektibong multinasyonal at multirehiyonal na pagpapalaganap ng impormasyon.
Dagdag pa ni Raymundo, malaki ang maitutulong ng AMCO, sa pagbabahaginan ng kaalaman, pagpapalitan ng tauhan, impormasyon, teknolohiya, at kultura, upang maisakatuparan ang mga layuning tulad ng pagsusulong ng komong kaunlaran ng media ng Asya, pagpapalakas ng pangkalahatang pagsasahimpapawid at internasyonal na impluwensya, at pagbibigay-kontribusyon upang maitayo ang isang "Komunidad ng Asya na may Komong Kaunlaran."
Aniya pa, sakaling maitatag sa malapit na hinaharap, ang AMCO ay magiging integral na behikulo upang mapalalim ang pagkakaunawaang pangkultura at pang-impormasyon ng mga mamamayang Pilipino at Tsino sa pamamagitan ng isang mabisang plataporma sa pamamahayag.
Sa pamamagitan ng matibay at walang-patid na impormasyon, palalakasin din ng AMCO ang mga aktibidad na pang-negosyo sa pagitan ng mga bansang nakapaligid sa kahabaan ng Belt and Road, dagdag ni Raymundo.
Si Yang Xiyu, Deputy Director ng Instituto ng BFA
Sa kanya namang pambungad na talumpati, sinabi ni Yang Xiyu, Deputy Director ng Instituto ng BFA, na ang Asya ay may napakahalagang papel sa pag-unlad ng ekonomiya ng buong mundo, kaya nararapat lamang na palakasin ng Asya ang kakayahan nito sa larangan ng pamamahayag upang maiparinig sa daigdig ang boses ng Asya hinggil sa mga isyung mahalaga para sa pag-unlad ng kultura, ekonomiya at marami pang iba.
Para rito, iminungkahi niyang magtayo ng isang new media APP na mag-i-interkonekta sa lahat ng new media APP ng mga kasaping organisasyon: ito aniya ang magiging instrumento at platapormang mag-uunipika sa Asya at iba pang dako ng mundo sa pamamagitan ng kooperasyon at pag-uunawaan.
Si Yanqing Yang, Deputy Editor-in-Chief ng peryodikong Yicai at Managing Director ng Yicai Think Tank
Sa isa pang hiwalay na panayam sa Serbisyo Filipino, ipinahayag ni Yanqing Yang, Deputy Editor-in-Chief ng peryodikong Yicai at Managing Director ng Yicai Think Tank, na napakaganda at mabunga ng mga diskusyon at malaman ang mga ideyang ibinahagi ng mga kalahok sa nasabing pagtitipon.
Sinabi niyang ang mga ideyang ito ang gagamitin bilang pundasyon upang pormal na maitatag ang AMCO, isa o dalawang taon mula ngayon.
Ang AMCO ay unang isinulong noong 2016 ng BFA, China Radio International (CRI), at China Public Diplomacy Association.
Kasama sa mga pinag-usapan ng mga kalahok na lider ng media ay mga isyung tulad ng "Bagong Prospek para sa Kooperasyon ng Media ng Asya," charter, lawak ng serbisyo, operation model, at panggagalingan ng pondong AMCO.
Ang AMCO ay bubuuin ng Board of Directors, Executive Board, at Media and Training Center.
Sa mga ito, ang Board of Directors ang pinakamataas na departamento ng pagdedesisyon. Ito ang responsable sa mga polisiya at magsusuperbisa ng mga aktibidad ng organisasyon.
Ang Executive Board naman ang siyang titingin sa pang-araw-araw na operasyon at komunikasyon sa pamamagitan ng mga staff at volunteer.
At ang Media and Training Center ang siyang hahawak ng pondo ng organisasyon upang maitayo ang isang multi-rehiyonal na sistema ng pagsasahimpapawid.
Ang BFA ay isang non-government, non-profit international organization, at isa sa mga pinakaprestihiyosong porum para sa mga lider ng gobyerno, negosyo, at academe ng Asya at iba pang rehiyon para sa pagbabahagi ng mga ideyang hinggil sa mga pinakaimportanteng isyu sa Asya at mundo.
Layon ng BFA na ipromote ang rehiyonal na integrasyong pang-ekonomiya, at ilapit ang mga bansa ng Asya sa kanilang pag-unlad.
Ang BFA ay sinimulang isulong noong 1998 ni dating Pangulong Fidel V. Ramos ng Pilipinas, dating Punong Ministrong Bob Hawke ng Australia, at dating Punong Ministrong Morihiro Hosokawa ng Hapon.
Pormal na naitayo ang BFA noong Pebrero 2001, at ang permanenteng tahanan nito ay ang Bayan ng Boao, probinsyang Hainan ng Tsina.
Reporter: Rhio/Sissi
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |