Idinaos, ngayong araw, Biyernes, ika-24 ng Marso 2017, sa Canberra, Australya, ang ika-5 taunang pagtatagpo ng mga punong ministro ng Tsina at Australya.
Positibo sina Premyer Li Keqiang ng Tsina at Punong Ministro Malcolm Turnbull ng Australya, sa paglakas ng relasyon ng dalawang bansa at pag-unlad ng kanilang kooperasyon sa iba't ibang aspekto.
Iniharap ni Li ang mungkahi hinggil sa pagtatatag ng Tsina at Australya ng 3 mekanismong pandiyalogo, na sasaklaw sa inobasyon, enerhiya, at seguridad. Umaasa rin aniya siyang magbibigay ang dalawang bansa ng priyoridad sa kooperasyon sa pagkakaroon ng bilateral na kasunduan sa malayang kalakalan, pag-uugnayan ng mga estratehiyang pangkaunlaran, inobasyong pansiyensiya at panteknolohiya, at pagpapasulong ng rehiyonal na kooperasyong pangkabuhayan. Dagdag pa ni Li, na dapat palakasin ng Tsina at Australya ang pag-uugnayan at pagkokoordinahan sa mga isyung panrehiyon at pandaigdig, para pangalagaan ang kapayapaan at katatagan sa Asya-Pasipiko.
Ipinahayag naman ni Turnbull ang kahalagahan ng pagpapalakas ng relasyon at kooperasyon ng Australya at Tsina. Sumang-ayon din siya sa paninindigan ng Tsina sa pagpapasulong ng globalisasyong pangkabuhayan, at pagbubukas ng pamilihan.
Salin: Liu Kai