Dumalo kahapon, Biyernes, ika-24 ng Marso 2017, sa Sydney, Australya, sina Premyer Li Keqiang ng Tsina at Punong Ministro Malcolm Turnbull ng Australya, sa Porum sa Kooperasyong Pangkabuhayan at Pangkalakalan ng dalawang bansa.
Sa kanyang talumpati sa porum, inulit ni Li ang paninindigan ng Tsina sa pagpapasulong ng globalisasyon at malayang kalakalan. Positibo siya sa natamong mga bunga ng Tsina at Australya sa kooperasyong pangkabuhayan at pangkalakalan, nitong mahigit isang taong nakalipas sapul nang magkabisa ang kasunduan sa malayang kalakalan ng dalawang bansa. Ito aniya ay nagdudulot ng benepisyo sa kani-kanilang mga mamamayan, at nagpapakita sa daigdig ng kahalagahan ng malayang kalakalan.
Sa kanya namang talumpati, hinahangaan ni Turnbull ang bungang dulot ng malayang kalakalan ng dalawang bansa. Ipinahayag din niyang magsisikap ang Australya, kasama ng Tsina, para pasulungin ang globalisasyong pangkabuhayan at pagbubukas ng pamilihan.
Salin: Liu Kai