Ipinahayag kahapon, Lunes, ika-27 ng Marso 2017, ni Tagapagsalita Hua Chunying ng Ministring Panlabas ng Tsina, ang pagtutol ng kanyang bansa sa pagdalaw kamakailan ni Jiro Akama, Senior Vice Minister of Internal Affairs and Communications ng Hapon, sa Taipei. Iniharap na aniya ng panig Tsino ang pormal na representasyon sa panig Hapones kaugnay ng pangyayaring ito.
Sinabi ni Hua, na ang pagdalaw ni Akama sa Taipei ay malinaw na salungat sa pangako ng Hapon hinggil sa pagsasagawa lamang nito at Taiwan ng pagpapalagayang di-pampamahalaan at sa lokal na antas, at lubos ding labag sa diwa ng apat na dokumentong pulitikal ng Tsina at Hapon.
Binigyang-diin din ni Hua, na ang isyu ng Taiwan ay may kinalaman sa nukleong interes ng Tsina, at ito rin ay malaking isyung may kinalaman sa pundasyong pulitikal ng relasyong Sino-Hapones. Umaasa aniya ang Tsina, na malalaman ng panig Hapones ang kahalagahan ng isyung ito, at ititigil ang mga maling aksyon.
Salin: Liu Kai