Idinaos kahapon sa Jakarta, Indonesia ang Ika-18 pulong ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN)-China Joint Cooperation Committee na dinaluhan ng mga pirmihang kinatawan ng sampung bansang ASEAN, matataas na opisyal mula sa Sekretaryat ng ASEAN at mga kinatawan ng Ministri ng Ugnayang Panlabas, Ministri ng Turismo ng Tsina.
Sa pulong, magkakahiwalay na isinalaysay ng panig Tsino at mga bansang ASEAN ang kani-kanilang kalagayan ng pag-unlad, magkakasamang binalik-tanaw ang mga natamong positibong bunga sa aspekto ng pagpapasulong ng kani-kanilang estratehikong partnership at pagpapatupad ng Action Plan ng China-ASEAN para sa 2016-2020. Samantala, nagpalitan ng kuru-kuro ang dalawang panig sa mga isyung tulad ng Ika-19 China-ASEAN Summit, ASEAN-China Year of Tourism Cooperation, komunikasyon at transportasyon sa pagitan ng Tsina at bansang ASEAN at iba pa.
Ipinahayag ni Xu Bu, Embahador ng Tsina sa ASEAN na tuwang tuwa ang Tsina na makitang nananatiling nagkakaisa, masigla at lumalaki ang ASEAN at patuloy na kinakatigan ng Tsina ang nukleong katayuan ng ASEAN sa kooperasyong panrehiyon at umaasang magpapatingkad ito ng mas malaking papel sa mga isyung pandaigdig at panrehiyon.
Ipinahayag naman ni Elizabeth P. Buensuceso, kinatawan ng Pilipinas na bilang kasalukuyang tagapangulong bansa ng ASEAN, na umaasa ang Pilipinas na ibayo pang pahihigpitin ang kooperasyon nila ng Tsina at magkasamang pasusulungin ang relasyong Sino-ASEAN at magkasamang ihahandog ang mga aktibidad bilang paggunita sa ika-50 anibersaryo ng pagkakatatag ng ASEAN.