Sa pulong na idinaos kahapon, Martes, ika-11 ng Abril 2017, sa Punong Himpilan ng United Nations sa New York, sinabi ni Liu Jieyi, Pirmihang Kinatawan ng Tsina sa UN, na ang "Belt and Road" Initiative ay makakatulong sa pagsasakatuparan ng UN Sustainable Development Goals.
Ipinahayag ni Liu, na bilang multilateral na mekanismong pangkooperasyon, may mga konkretong target ang "Belt and Road" Initiative sa mga aspekto ng pagpawi ng kahirapan, pagpapabuti ng kalusugan ng mga tao, pagpapasulong ng edukasyon, pangangalaga sa kapaligiran, at iba pa. Umaasa aniya ang Tsina, na sa pamamagitan ng initiative na ito, maibabahagi sa iba't ibang bansa ang mga pagkakataong dulot ng pag-unlad ng Tsina, para isakatuparan ang komong kaunlaran at kasaganaan.
Isinalaysay din ni Liu, na sa susunod na buwan, idaraos sa Beijing ang isang summit forum hinggil sa pandaigdig na kooperasyon sa ilalim ng "Belt and Road" Initiative. Aniya, sa kasalukuyan, halos 30 lider ng mga bansa ng Asya, Europa, Aprika, at Latin-Amerika ang nagkumpirma nang dadalo sa porum na ito. Aniya pa, dadalo rin dito sina Peter Thomson, Pangulo ng UN General Assembly at Antonio Guterres, Pangkalahatang Kalihim ng UN. Ito ay nagpapakita ng pagpapahalaga ng komunidad ng daigdig sa "Belt and Road" Initiative, dagdag ni Liu.
Salin: Liu Kai