|
||||||||
|
||
Embahador Jose Santiago Sta. Romana
Malugod na tinanggap ng mga diplomatang Pilipino na kabilang sa Consular, Political at Cultural sections ng Pasuguan ng Pilipinas sa Beijing ang mga Grade 11 students ng Xavier School nitong Biyernes, Abril 7,2017. Kasalukuyang nandito ang mga IB Students para sa kanilang Chinese Language Enrichment Program.
Nakadaupang palad ng mga Xavier School students si Embahador Jose Santiago Sta. Romana. Sa kanyang welcome remarks sinabi ni Amb. Sta. Romana na masaya siyang makita ang mga kabataang Pinoy na nag-aaral ng wikang Tsino at personal na nararanasan ang pamumuhay sa Tsina. Dahil aniya mahalaga ito sa pagpapalalim ng paguunawaan sa pagitan ng mga Tsino at Pilipino.
Ang buong grupo ng Xavier School-San Juan Grade 11 students kasama si Amb. Sta. Romana (gitna unang hanay) at mga Consul ng Philippine Embassy
Ibinagi din ni Amb. Sta. Romana na bago pa man siya naitalaga sa kanyang bagong tungkulin ay bahagi siya ng tinatawag na Track Two ng Diplomasya na nakatuon sa pagpapalitan ng mga mamamayan. Ang Phlippine Association of Chinese Studies kung saan kabilang si Amb. Sta. Romana ay nagsagawa ng mga pananaliksik sa relasyong Sino-Pilipino at aktibong lumahok sa mga diskusyong pang-akademiko sa pagitan ng mga scholars ng Pilipinas at Tsina. Ang hangarin nito ay paunlarin ang ugnayan ng dalawang bansa.
Sinabi rin niya na maraming pagkakaiba ang Pilipinas at Tsina, ngunit ang mga ito ay pansamantala lamang. Mas mahalaga ang pangmatagalang pagpapapalitan at ang pagpapaibayo ng interaksyon ng mga mamamayan.
Sa panayam ng China Radio International, sinabi ni Amb. Sta. Romana na ang mga kabataan ay nasa tamang yugto para magtayo ng tulay ng pagkakaibigan sa pagitan ng Pilipinas at Tsina. Dagdag ng embahador na Pilipino na bukod sa pag-aaral ng Mandarin, dadami ang mga scholarships para sa mga estudyante sa Pilipinas di lamang sa kolehiyo kundi maging sa graduate school.
Sa pamamagitan ng aktibidad nabigyan ng pagkakataon ang mga kabataang kilalanin ang mga Foreign Service Officers at magtanong hinggil sa ilang isyu sa diplomasya, usaping pulitikal at kalagayan ng mga OFW sa Tsina. Ayon naman kay Jennifer Say ng Chinese Department ng Xavier School, pinahahalagahan ng mga magulang ang Chinese Language Enrichment Program dahil nakikita nila ang importansya nito sa komunikasyon at negosasyon.
Matapos ang interaksyon, sinabi ni Martin Ocampo Tan, Xavier School student na mabunga ang bahaging ipinaliwanag ng mga diplomata ang kanilang mga gawain, marami aniya siyang natutunan sa international affairs.
Ayon naman kay Pablo Casanova, estudyante rin ng Xavier School na importante ang pagkakaroon ng bukas na pag-iisip o openmindedness para maging handa sa mga pagkakaiba ng kultura ng Pilipinas at Tsina.
Bukod sa ilang linggong pananatili sa Beijing, ang grupo ng Xavier students at pupunta rin sa Shanghai para ipagpatuloy ang kanilang cultural immersion sa Tsina.
Reporter: Mac at Ernest
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |