Ipinatalastas ngayong araw, Martes, ika-18 ng Abril 2017, ni Ministrong Panlabas Wang Yi ng Tsina, ang pagdaraos ng Belt and Road Forum for International Cooperation sa Beijing, sa ika-14 at ika-15 ng darating na Mayo.
Ayon kay Wang, sa kasalukuyan, 28 lider ng estado at pamahalaan ng mga bansa ang nagkumpirma nang dadalo sa porum. Dadalo rin dito ang mahigit 80 lider ng mga organisasyong pandaigdig, at mga opisyal, iskolar, mangangalakal, mamamahayag, at iba pang personahe ng 110 bansa mula sa Asya, Europa, Hilagang Amerika, Latin-Amerika, at Aprika. Aabot sa 1200 ang kabuuang bilang ng mga kalahok, aniya pa.
Ayon pa rin kay Wang, dadalo at bibigkas ng keynote speech si Pangulong Xi Jinping ng Tsina sa seremonya ng pagbubukas ng porum. Mangungulo rin siya sa roundtable meeting na lalahukan ng mga lider. Samantala, idaraos din ang 6 na pulong sa mataas na antas, para talakayin ang mga konkretong isyung gaya ng konstruksyon ng imprastruktura, kooperasyong pangkalakalan at pangkabuhayan, kooperasyong pinansyal, pagpapalitan ng mga mamamayan, at iba pa.
Sinabi ni Wang, na ang porum na ito ay aktibidad sa pinakamataas na antas na idaraos sapul nang iharap ng Tsina ang Belt and Road Initiative noong 2013. Umaasa aniya ang Tsina, na sa pamamagitan nito, makakalikha ng isang mas bukas at epektibong pandaigdig na platapormang pangkooperasyon.
Salin: Liu Kai