Sa regular na preskong idinaos nitong Huwebes, Abril 20, 2017, ng Ministri ng Komunikasyon at Transportasyon ng Tsina, isiniwalat ni Wu Chungeng, Tagapagsalita ng nasabing ministri, na nilagdaan na ng Tsina at mga bansa sa kahabaan ng "Belt and Road" ang mahigit 130 bilateral at rehiyonal na kontratang pantransportasyon tungkol sa daam-bakal, lansangan, paghahatid sa dagat, abiyasyon, at iba pa.
Magugunitang gaganapin sa Beijing ang "Belt and Road" Forum for International Cooperation mula ika-14 hanggang ika-15 ng susunod na Mayo. Ipinahayag ni Wu na nitong tatlong taong nakalipas sapul nang iharap ang inisyatibang ito, natamo ang positibong progreso sa aspekto ng komunikasyon at konektibidad.
Ayon pa kay Wu, sa susunod na yugto, isusulong ng Tsina ang plano sa komunikasyon, palalakasin ang konstruksyon ng land transportation channel, at pabubutihin ang kapaligiran at kondisyon ng pandaigdigang transportasyon sa kahabaan nito. Bukod dito, palalalimin din ng Tsina ang pakikipagkooperasyon sa mga kaukulang bansa sa aspekto ng transportasyon sa dagat, at konstruksyon at pagnenegosyo ng mga puwerto, dagdag pa niya.
Salin: Li Feng