Sa isang panayam kamakailan sa Phnom Penh, ipinahayag ni Pangalawang Punong Ministro Hor Nanhong ng Kambodya, na mahalaga para sa pag-unlad ng kanyang bansa ang "Belt and Road" Initiative na iniharap ng Tsina.
Sinabi ni Hor, na noong Oktubre, 2016, sa pagdalaw ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina sa Kambodya, nilagdaan ng dalawang bansa ang Memorandum of Understanding hinggil sa paggawa ng plano ng pagtutulungan sa "Belt and Road" Initiative.
Isinalaysay niyang sa ilalim ng inisyatibang ito, magkasamang itinatayo ng Kambodya at Tsina ang Cambodia Sihanoukville Special Economic Zone. Aniya, namumuhunan sa sonang ito ang maraming bahay-kalakal na Tsino, at lumikha na ng halos 20 libong hanapbuhay.
Ipinalalagay din ni Hor, na ang mahalagang papel ng "Belt and Road" Initiative ay sumasaklaw hindi lamang ng Asya, kundi rin sa Europa at Aprika. Dagdag niya, sa ilalim ng inisyatibang ito, mapapalakas ang pag-uugnayan ng imprastruktura, pagpapalagayan ng mga tao, at pagpapalitang pangkultura ng Asya, Europa, at Aprika.
Salin: Liu Kai