|
||||||||
|
||
Brussels, punong himpilan ng Uniyong Europeo (EU)—Kinatagpo ni Federica Mogherini, Mataas na Kinatawan ng EU sa mga Suliraning Panlabas at Patakarang Panseguridad si Aung San Suu Kyi, dumadalaw na Kasangguni ng Estado ng Myanmar.
Sina Suu Kyi (kaliwa) at Mogherini (kanan) habang humaharap sa mga mamamahayag
Suporta ng EU sa rekonsilyasyon ng Myanmar
Ipinahayag ni Mogherini ang patuloy na pagkatig ng EU sa transisyong demokratiko ng Myanmar para maisakatuparan ang pambansang kapayapaan at rekonsilyasyon. Pero, nagkakaiba ang kanilang paninindigan hinggil sa isyu ng mga Rohingya.
Ipinahayag ni Mogherini ang paghanga sa ilang dekadang pagsisikap ni Suu Kyi para sa pagsasakatuparan ng pambansang kapayapaan ng Mayanmar.
Ipinagdiinan din niyang bilang isa sa mga pandaigdig na saksi sa paglagda ng Pambansang Kasunduan ng Tigil-putukan ng Myanmar, walang-humpay na susuportahan ng EU ang prosesong pangkapayapaan ng bansa sa pamamagitan ng paraang pampulitika at pangkabuhayan.
Ayon sa datos ng EU, sapul noong 1994, umabot sa 229 milyong euro ang halaga ng humanitarian aid ng EU sa Myanmar. Noong 2016, lumampas sa 1.5 bilyong euro ang halaga ng bilateral na kalakalan ng dalawang panig at kabilang dito, umabot sa isang bilyong euro ang pagluluwas ng Myanmar sa EU. Ayon naman sa datos ng Myanmar, noong 2016, ang EU ay naging ika-apat na pinakamalaking pinanggagalingan ng puhunan ng Myanmar, kung saan umabot sa 4.8 bilyong dolyares ang halaga ng puhunan.
Magkahiwalay na paninindigan hinggil sa isyu ng Rohingya
Kaugnay ng isyu ng Rohingya, ipinahayag ni Suu Kyi ang pagtanggap ng mga mungkahi nina Kofi Annan, Dating Pangkalahatang Kalihim ng United Nations (UN).
Noong Agosto, 2016, itinatag ng Pamahalaan ng Myanmar ang Konsehong Tagapayo hinggil sa Isyu ng Rakhine State at inanyayahan si Annan na magsilbi bilang tagapangulo ng nasabing konseho. Ang mga Rohingya sa Myanmar na nananampalataya ng Muslim ay pangunahing naninirahan sa Rakhine State sa kanluran ng Myanmar na kahangga ng Bangladesh. Karamihan sa mga residente sa Rakhine State ay mga mamamayan na nananampalataya sa Budismo. May alitan ang nasabing dalawang lahi sapul noong ika-18 siglo.
Ipinahayag naman ni Mogherini ang suporta sa desisyon ng UN Human Rights Council na magpadala ng grupo para siyasatin ang totoong nangyari sa Rakhine State.
Noong ika-9 ng Oktubre, 2016, inatake ng sandatahang lakas ang tatlong istasyon ng pulis sa Rakhine State. Kinilala ito ng Pamahalaan ng Myanmar bilang teroristikong atake at nagsimula ng pakikibaka laban sa mga kaaway. Nitong nagdaang Marso, nagpasiya ang UN Human Rights Council na magpadala ng fact-finding mission para imbestigahan ang di-umano'y pang-aabuso sa karapatang pantao sa mga Rohingya sa Rakhine State.
Salin: Jade
Pulido: Mac
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |