|
||||||||
|
||
Pagpasok ng buwang ito, magkasunod na natuklasan ng kapulisan ng Malaysia at Thailand ang malawakang libingan ng pinaghihinalaang ilegal na migrante mula sa Bangladesh at Myanmar. Matatagpuan ang nasabing mga libingan sa hanggahan ng Malaysia at Thailand.
Ipinahayag kahapon ni General Somyot Poompanmoung, puno ng Kapulisan ng Thailand na nakikipagtulungan ngayon ito sa counterpart nila ng Malaysia para malutas ang pagpupuslit ng tao sa rehiyon.
Maraming ilegal na migrante mula sa Myanmar at Bangladesh ang nagtutungo sa mga bansa ng Timog-silangang Asya. Dahil hindi sila tinanggap ng Malaysia, Indonesia at Thailand, namalagi ang mga tao sa Andaman Sea at Malacca Strait. Nakatawag ito ng pansin ng komunidad ng daigdig.
Karamihan sa mga migrante ay Rohingya, Muslim na namumuhay sa Myanmar at Bangladesh. Pero, hindi kinikilala ng nasabing dalawang bansa ang mga Rohingya bilang kanilang mamamayan. Dahil sa mga madugong alitan sa pagitan ng mga Rohingya at mga mananampalataya ng Budismo, maraming Rohingya ang tumakas ng Myanmar at ilegal na nandayuhan sa Thailand, Malaysia at iba pang mga bansa.
Upang malutas ang isyung ito, nagpulong kamakailan ang mga ministrong panlabas ng Malaysia, Indonesia at Thailand. Pagkatapos ng pulong, kapuwa sumang-ayon ang Indonesia at Malaysia na bigyang proteksyon, nang may paunang kondisyon, ang mga refugee na nasa karagatan. Sa ika-29 ng buwang ito, magpupulong din hinggil sa isyung ito sa Bangkok, kabisera ng Thailand, ang mga bansa na kinabibilangan ng Indonesia, Malaysia, Bangladesh, Myanmar, Australia at Amerika.
Salin: Jade
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |