|
||||||||
|
||
Si Ambassador Sta. Romana habang kinakapanayam ng Serbisyo Filipino
Beijing, Tsina--Sa pagdalaw at eksklusibong panayam ngayong araw, Mayo 9, 2017 ng Serbisyo Filipino ng Radyo Internasyonal ng Tsina (CRI) kay Embahador Jose Santiago "Chito" Sta Romana, Sugo ng Pilipinas sa Tsina, sinabi niyang ang panunungkulan ni Rodrigo Roa Duterte bilang Pangulo ng Pilipinas at kanyang pagdalaw sa Tsina noong Oktubre 2016 ay panibagong yugto sa realsyon ng Pilipinas at Tsina.
Ani Sta Romana, humusay ang relasyon ng dalawang bayan, at ang pangunahing dahilan nito ay ang pagtataguyod ni Pangulong Duterte sa paninindigang dapat maging malaya at independiyente ang patakarang panlabas ng Pilipinas.
Aniya, nais baguhin ni Pangulong Duterte ang dating patakaran ng "pag-asa sa isang makapangyarihang bansa na nasa kabilang dulo ng daigdig".
"Dapat maging mahusay ang relasyon ng Pilipinas sa kanya mismong karatig-bansa, at ang pinakamalaki rito ay ang Tsina," dagdag ng embahador Pilipino.
Matatandaang hindi naging paborable ang relasyon ng Tsina at Pilipinas noong ilang taong nakalipas dahil sa mga patakaran ng nakaraang administrasyon ni Benigno Aquino III sa paghawak sa di-pagkakaunawaan sa dagat.
Kaya naman, isa sa mga naunang ginawa ni Durterte, pag-upo niya bilang pangulo ay ang pagbuo ng grupo sa pamumuno ni dating Pangulong Fidel Valdez Ramos upang makipag-usap sa panig Tsino sa Hong Kong.
Ito'y para mapa-init muli ang noo'y malamig na relasyon ng dalawang bansa.
Si Ambassador Sta. Romana habang kinakapanayam ng Serbisyo Filipino
Ani Sta Romana, kabilang siya sa grupong ito: at pagbalik nila sa Pilipinas, ini-ulat nila kay Pangulong Duterte ang mga pangyayari.
Dahil dito, nagpasya aniya si Pangulong Duterte na magkaroon ng dalawang landas sa pakikipag-relasyon sa Tsina.
Ang unang landas aniya ay ang pagsusulong sa mga usaping hindi konektado sa sigalot sa dagat.
Dagdag niya, hindi dapat maging sentro ng relasyong Pilipino-Sino ang di-pagkakaunawaang ito; bagkus, dapat magpokus ang Pilipinas at Tsina sa mga larangang wala silang pagkakaiba ng paninindigan, gaya ng ekonomiya, kalakalan, kultura, edukasyon, siyensiya at teknolohiya at marami pang iba.
Ito ngayon ang landas na tinatahak ng Pilipinas at Tsina, ani Sta Romana.
Aniya pa, sa kabilang banda, ang ikalawang landas ay ang marahan at mahinahong pag-uusap upang magkaroon ng paborableng situwasyon para sa dalawang panig hinggil sa isyung pandagat.
"Kaya, magkakaroon ng bilateral consultative mechanism sa buwang ito ng Mayo at dito pag-uusapan ang mga isyu na medyo sensitibo," dagdag ng embahador.
Sina Ambassador Sta. Romana (sa kanan), at Direktor Xian Jie ng CRI Serbisyo Filipino (sa kaliwa)
Ani Sta Romana, ang di-pagkakaunawaan at paggamit ng dahas ay hindi opsyon sa pagkakaroon ng konklusyon sa nasabing isyu.
Alam aniya ng Pilipinas at Tsina na hindi dagliang magkakaroon ng karampatang lunas ang nasabing isyu, pero, sa pamamagitan ng malalim na pag-unawa sa kultura at pananaw ng isat-isa, mahinahong pamamaraan, at mabuting pag-uusap, makikita ang mas epektibong paraan upang magkaroon ng lunas sa bandang huli ang naturang isyu, at mapalakas ang relasyon ng Pilipinas at Tsina.
Sinabi pa niyang sa idaraos na Belt and Road Forum for International Cooperation ngayong Mayo, mag-uusap muli sina Pangulong Duterte at Pangulong Xi Jinping ng Tsina upang lalo pang mapabuti ang relasyon at mapasulong ang pag-uunawaan ng dalawang panig.
Ito ang saligang patakaran ng Pilipinas para paunlarin ang relasyong Filipino-Sino, ipinagdiinan ni Sta Romana.
Ulat: Rhio Zablan
Panayam/Editor: Jade
Larawan: /Rhio /Mac/Vera /Lele
Web-editor: Liu Kai
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |