|
||||||||
|
||
Si Ambassador Chito Sta. Romana habang kinakapanayam ng Serbisyo Filipino
Sa ekslusibong panayam ng China Radio International Filipino Service kay Ambassador Chito Sta. Romana ngayong araw May 9, 2017 sa Pasuguan ng Pilipinas sa Beijing, ipinahayag ng Sugong Pilipino na ang Master Plan on ASEAN Connectivity 2025 at ASEAN Economic Community Blueprint 2025 ay may magkaangkop na elemento sa Belt and Road Initiative ng isinusulong ng Tsina para sa komong kasaganaan. At nakikita ng Pilipinas ang malaking potensiyal nito para sa kalakalan ng bansa.
Ibinahagi ni Ginoong Sta. Romana na halimbawa ng connectivity ay ang pagbubukas ng dalawang daungan sa pagitan ng Indonesia at Pilipinas upang mapabilis ang pagdadala ng mga barko mula Mindanao papuntang Indonesia at bise bersa. Dagdag niya, "Nais namin na palawakin pa iyong (ruta) mula Indonesia, papuntang Malaysia, papuntang Brunei, para matuloy ang connectivity tungong Singapore, at sa mainland Southeast Asia."
Si Ambassador Chito Sta. Romana (sa kaliwa) habang kinakapanayam ni Jade Xian Jie ( sa kanan) ng Serbisyo Filipino
Bukod sa ASEAN Economic Community, nabanggit din ng Sugong Pilipino na mayroon na ring China-ASEAN Free Trade Agreement at kung idadagdag pa ang Belt ang Road Initiative na aabot sa Central Asia at Europa, maging ang buong mundo, ay lalong lalawak ang market para sa mga produktong iniluluwas ng Pilipinas.
Kinilala ni Amb. Sta. Romana ang kahalagahan ng konektibidad ng mga barko na magdadala ng mga kagamitan kaya importanteng madebelop pa aniya ang mga coastal areas at port facilities ng Pilipinas.
Ibinahagi rin niyang ang ugnayang kalakalan sa karagatan ay may batayang pangkasaysayan, dahil noong panahon pa ng Kastila, ang Pilipinas ay bahagi na ng Manila-Acapulco Trade na nagdadala ng mga kalakal hindi lamang mula sa bansa kundi ng mga gamit mula sa Tsina tungong Mexico at dinadala hanggang Espanya.
Sa hinaharap hangad ng Pilipinas na makamit ng kalakalan sa karagatan ang katulad na sigla sa ugnayang panghimpapawid na dulot ng turismo sa pagitan ng Pilipinas at Tsina.
Si Ambassador Chito Sta. Romana (ikalawa sa kanan) kasama ang mga miyembro ng Serbisyo Filipino
Nagtapos ang panayam sa mensahe ni Amb. Sta. Romana na nawa'y pahusayin at patibayin pa ang tulay ng pagkakaibigan at pagkakaintindihan sa pagitan ng mga mamamayang Pilipino at Tsino. Inaasahan din niyang mapapalalim pa ang pagkakaunawaan, dahil naniniwala siyang kapag mas matibay ang pundasyon ng pagkakaunawaan, ito ang magiging pundasyon ng mahusay na relasyon ng Pilipinas at Tsina.
Ulat:Mac Ramos
Panayam/Editor: Jade
Larawan: Mac/Rhio/Vera/Lele
Web-editor: Lito
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |