|
||||||||
|
||
Si Ambassador Sta. Romana habang kinakapanayam ng Serbisyo Filipino
"[Sa] paglahok ni Presidente [Rodrigo] Duterte dito sa Belt and Road Forum for International Cooperation, ang pangunahin niyang interes ay papaano pa paunlarin ang kooperasyong pang-ekonomiya ng [Pilipinas at Tsina], lalung-lalo na sa larangan ng imprastruktura," ito ang ipinahayag sa Beijing, kaninang umaga, Mayo 9, 2017 ng Embahador ng Pilipinas sa Tsina na si Jose Santiago Sta Romana.
Sa eksklusibong panayam sa Serbisyo Filipino ng Radyo Internasyonal ng Tsina, sinabi niyang ang administrasyon ni Pangulong Duterte ay may 10 puntong adiyendang pang-ekonomiya, at kasali rito ang punto ng pag-unlad ng imprastruktura at pag-akit ng mas malaking puhunang dayuhan sa Pilipinas.
Dahil dito, interesado aniya si Pangulong Duterte sa Belt and Road Forum for International Cooperation, kasi hindi lamang Tsina ang kalahok dito, naroon din aniya ang lider ng marami pang bansa.
"Ito'y parang isang platapormang pwedeng magpalawak pa sa foreign trade ng Pilipinas," ani Sta Romana.
Ipinagdiinan ng embahador Pilipino, na ang naturang porum ay magpapabuti sa relasyong pang-ekonomiya ng Pilipinas at Tsina, at Pilipinas at iba pang kapit-bansa sa kahabaan ng Belt and Road.
Ito aniya ay magpapahusay din sa kabuhayan ng mga Pilipino.
Si Ambassador Sta. Romana habang kinakapanayam ng Serbisyo Filipino
Sa ilalim ng temang "Strengthening International Cooperation and Co-building the 'Belt and Road' for Win-win Development," ang Belt and Road Forum for International Cooperation ay nakatakdang idaos sa Beijing, Tsina mula Mayo 14 hanggang 15, 2017.
Kabilang sa mga pangunahing aktibidad ng nasabing pagtitipon ay seremonya ng pagbubukas, leaders' roundtable summit at mga high-level conference.
Ito ay dadaluhan ni Pangulong Xi Jinping at mahigit 20 iba pang puno ng mga estadong gaya nina Pangulong Rodrigo Duterte ng Pilipinas, Pangulong Joko Widodo ng Indonesia, Pangulong Bounnhang Vorachith ng Laos, Pangulong Vladimir Putin ng Rusya, Pangulong Tran Dai Quang ng Vietnam, Punong Ministro Hun Sen ng Cambodia, Punong MInistro Najib Razak ng Malaysia, State Counsellor Aung San Suu Kyi ng Myanmar, at marami pang iba.
Bukod sa mga puno ng estado, dadalo rin sa porum ang mga opisyal, iskolar, mangangalakal, personahe mula sa sirkulo ng negosyo at media ng mahigit 100 bansa at rehiyon. Darating din ang mga representante mula sa 61 internasyonal na organisasyon, at kabilang sa mga ito sina UN Secretary General António Guterres, Pangulo ng World Bank na si Jim Yong Kim at Managing Director ng International Monetary Fund na si Christine Lagarde.
Ulat: Rhio Zablan
Panayam/Editor: Jade
Larawan: /Rhio /Mac/Vera /Lele
Web-editor: Liu Kai
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |